Sunday, August 31, 2025

Agay NHS, Nagtapos ang Buwan ng Wika sa Pamamagitan ng OPM at Tradisyunal na Pambansang Awitin

Pormal na nagtapos ang buwanang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Agay National High School sa pamamagitan ng isang Paligsahan sa Pag-awit na tampok ang Original Filipino Music (OPM) at Tradisyunal na Pambansang Awitin noong Agosto 29, 2025, mula ika-3:00 ng hapon hanggang ika-5:00 ng hapon.

Idinaos ang nasabing gawain sa harap ng watawat ng paaralan sa pangunguna ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG) sa pamumuno ng Pangulo nitong si Rico Cawaing Jr., katuwang ang tagapayo nitong si G. Jayson Patalinghug, at sa pakikipag-ugnayan ng Kagawaran ng Filipino na pinamumunuan ni Gng. Jessienie Mencias. Ang masigla at masayang daloy ng programa ay pinangunahan ni Gng. Daisy Love Soliva bilang punong tagapagsalita.

Dumalo ang mga mag-aaral mula sa lahat ng baitang, kasama ang kanilang mga guro, upang saksihan ang mga natatanging pagtatanghal. Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang talento sa pamamagitan ng taos-pusong pag-awit ng mga tanyag na OPM at mga tradisyunal na awitin na nagbigay-buhay at kulay sa buong selebrasyon.

Ayon kay SSLG President Rico Cawaing Jr., ang paligsahan ay hindi lamang simpleng patimpalak: “Sa pamamagitan ng gawaing ito, hindi lamang talento ang aming ipinapakita kundi pati na rin ang pagpapahalaga sa ating kultura. Ang musika ay makapangyarihang paraan upang pag-ugnayin tayong lahat bilang mga Pilipino,” aniya.

Ibinahagi rin ng isa sa mga kalahok ang kanyang karanasan: “Nakakakaba po, pero masaya kasi hindi lang talento ang ipinapakita namin—kundi pagmamahal sa sariling wika at musika,” ani ng isang mag-aaral.

Hindi lamang talento sa pag-awit ang pinatingkad ng naturang gawain, kundi pati na rin ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino. Nagtapos ang programa sa isang makabuluhang seremonya ng pagbababa ng watawat, hudyat ng paggalang sa bansa at pormal na pagtatapos ng selebrasyon.

Matagumpay na naipakita ng Paligsahan sa Pag-awit ang diwa ng Buwan ng Wika ngayong taon, na nag-iwan ng inspirasyon sa komunidad ng Agay NHS upang higit pang mahalin ang musika at kulturang Pilipino.

No comments: